Habang ako’y nakapikit na nagninilaynilay
Sarili ko’y tumungo sa bahay na napaka-kulay
Bawat silid ay may salamin na wari’y may buhay
At hinayaan ko ang aking sarili dito maglakbay
Sa unang silid aking nakita isang bata
May busal sa bibig at sa leeg nakatanikala
Kawawa unang salita na aking nasambitla
Sa batang wari’y maihahalintulad ko sa isang tuta
Patulo’y kong minasdan itong kawawang bata
Sa mata niya’y kalungkutan lang ang mahihinuha
Ako’y nagulat nang siya ay biglang nagsalita
“Buhay na patay”, paulit-ulit na wika ng bata
Ako’y nangilabot sa tinig na aking narinig
Ako’y nanginig at tumakbo sa kahit saang panig
Sa aking pagtakas ay may gitara akong naulinig
Nawala ang aking takot at sinundan yaring tinig
Dinala ako ng aking paa sa isa pang silid
Silid na puno ng musika at himig
Silid na puno ng pagasa at panlalamig
At may binatang sa gitara’y sumasabay gamit ang tinig
Hindi na ako nagulat nang natigil siya sa pagkanta
At unti-unti tumitig sa akin mapupungay niyang mata
Na para bang may nais ibigay na regalong pagasa
At sa akin siya’y nagwika ng mga salitang matalinhaga,
“Sa aking karamdaman karamay ko ang gitara,
Sa aking kahapisan karamay ko tambol at trompeta,
Sa aking pagiisa karamay ko ang bathala at musika”
Wika nga ng musikerong binata.
Nilisan ko ang silid ng may galak at tuwa
Sa aking paglalakad nakasalubong ko isa pang binata
May limbag na “cadre” sa kaniyang paa
Sinundan ko hanggang sa silid niya muli akong tumunganga
Sa tabi ng isang kahon siya ay umupo
At binuksan kahon na nahahati sa tatlo
Lumuwa aking mata ng makita kong ito’y may lulan na ginto
“Kaibigan” nakaukit sa bawat bitak ng ginto
Hindi ko maulinig mga pangalan na kaniyang sinasabi
Mga salitang hindi pamilyar at malabo pa sa gabi
Pero hindi ko maipaliwanag na tila pumasok siya sa aking sarili
At sa aking isip isang tula ang hinabi;
“Kaibigan kong hinahatulan ng mundo
Hindi magbabago pag-ibig ko sayo
Kahit masuklam man kaanak at lahat ng tao
Dahil ako’y tapat na kaibigan para sayo.”
“Kaibigan kong malayo ang loob sa akin
Dahil iniisip niyang siya hindi mahalaga sa akin
Hindi ko man makuha ang iyong bukal na damdamin
Pag-ibig ko sayo’y patuloy na dumadalangin.”
“Kaibigan kong nahiwalay at napalayo
Distansya’y hindi dahilan para pag-ibig ko’y mabigo
Parang alak na habang tumatagal ay nagiibayo
Dahil ako’y nangako na hindi lilimutin isang tulad mo.”
At yan nga ang tulang sa isip ko’y kaniyang ikinintal
Matapos siyang mangusap sa akin ako’y tila hindi napapagal
Tila ba kahit isang hektaryang bukid ay kayang mabungkal
At tila kaya ko pang tumakbo ng walanghanggang dangkal
Sa makulay na bahay ako’y patuloy na gumala
Nasumpungan ko sa kwarto isang binatang makata
Dinaraan sa pagsulat bawat damdamin at pagluha
Bawat diwa ay nilalapat sa mga saknong ng tula
Hindi ko na hinintay na siya pa ay magsalita
Sapagkat saganang akin tila wala siyang balak magsalita
At habang buhay ay nais na lang gumawa ng mga katha
Mga katha na inaalay sa mga taong may halaga
Bago ako nagising sa aking panaginip
May hanging malamig ang umihip
At may taong tila sa akin ay nakasilip
At tila nakakita din sa aking panaginip
Ako’y nagising na sa mata’y may luha
Aking napagtanto bawat tauhan sa panaginip ay aking replika
At ang bahay na napakakulay
Ay siya ring buhay na puno ng kulay…